Saturday

Parang hindi naman ata kapani-paniwala ito! Matagal ko nang hindi nabubuksan ang blog na ito dahil sa sobrang pagka-abala. Pero nakakatuwa dahil nagkaron ako ng mga followers dahil lamang sa post ko na "Bakit Tagalog ang blog ko?"

MARAMING SALAMAT PO!~ ^_^

At kung nagtataka pa din kayo kung bakit tagalog ang blog na ito, ang sagot ko --- wala lang! Gusto ko lang!

Sunday

libreng sarap sa SM Molino

habang nagtutupi ako ng mga bagong labang damit sa bahay, natanggap ko ang tawag ni teacher C. akala ko meron na naman kaming solicitation na gagawin. sabi nya, puntahan ko daw sya sa SM Molino. meron daw isang blogger's event duon. aba naman?! bakit hindi ko alam yan? ahehehe... haller! hindi ka naman lumalabas ng bahay! konti na nga lang isa na akong OTAKU! yiiiks!

anyway, ako naman ay nagmadaling naligo at nagmaskara at sabay sibat na papunta sa venue... nakisabit pa nga ako sa mga pinsan ko na papuntang junk shop na may dalang owner jeep na may laman na mga bakal. ok lang... ang importante makarating ako agad sa SM Molino.

humahangos pa ako nga ako ng datnan ko si teacher C sa food court. gustong-gusto ko ang food court dito... tamang tama lang ang ambiance. kahit noon kapag niyayaya ko si D sa SM Molino, hindi ko mapigilang kumain dito kahit konti lang ang Food Stalls... siguro nga yun ang ginusto ko sa lugar na yun. yung hindi ka malilito sa kung anong oorderin mo. tamang-tama lang... parang ako! hehehe... yun pala, isa itong Food Tasting Event kung saan mga bloggers ang imbitado. wow! ang galing! kitam? masarap maging blogger eh. pagka-upo ko, nagsimula na ang pagtikim... tara na!

unang inihandog sa amin ay ang Burger Stake ng Sizzling Plate. sus! siguro naman kahit sino alam na ng Sizzling Plate noh? lagi idn kaming nakain nun pero sa ibang branch nga lang. dito ko lang natikman ang Burger Stake nila. anong masasabi ko? haha! masarap yung patty! mataba at beefy talaga! yip! yip! ^_^ hindi ko lang inubos ang rice... syempre mabubusog ako agad, ayoko nga!

nung nag-serve ng pizza -- tumigil ang oras... parang nakita ko si... si... ah basta! kasi naman, favorite ko ang pizza! tapos yung ibinigay sa amin na pizza ay yung gusto ko talaga... parang French Bread yung crust tsaka madaming cheese --- ma'am, ano nga ulit yung pangalan? aaah! Chansel Pizza pala. hmmm, bago ito ah.. tapos meron din Shawarma! juskopooo! ano ba? parang huling araw ko na! Turk's Shawarma daw ang pangalan nung pizza. masarap kaya lang.... konti... hahaha! kasi konti lang yung binigay... kuya, penge pa.. haha!

eto naman ang nakaka-lurkey! binigyan kami ng takuyaki! Kuya Chito's Takuyaki. aaaaargh! bakit ganun? kakanginig ng laman! favorite ko to! sobrang katakawan ko lahat na lang favorite ko! tapos may inihaw na pusit from Inihaw Express! kasoang day ni teacher C! inubos ang pusit! sige ok lang... minsan lang kasi magka-gusto yan sa food. sabi nya, it's her fave daw. ok fine, ma'am. at ngayon habang ginagawa ko ang post na ito, niyayari ko na ang ice cream nila. kulay pink sya at may choco sprinkles. hmmm. bitin! Miguelito's Ice Cream pala to. first time kong matikman ito. at so far, panalo naman ang rating ko para sa kanya. :)

ang sarap naman. sana laging ganito... abusado? hahaha! wala lang. nakakatuwa lang isipin na ako, isang blogger na may blog na bihirang bisitahin ng viewers ko, ay naging parte ng mahalagang event na ito. sayang nga lang at wala akong dalang camera... :( at may bonus pa! biruin mo naman, nakadaupang palad ko ang ibang kilalang blogger! grabe na to!)

kung saan na naman ako nakarating sa paglalakad ko... :) nabusog pa ako! sayaap! :)

ay! nga pala! muntik ko na makalimutan. nagpatikim din ang Dunkin Donuts at Chef Chow's Shabu-shabu... kasi naman... mamaya ko pa sya kakainin, pagkatapos ng post ko... o sige! hinihintay na ako ng pagkain ko. uubusin ko muna sya.

kitakits! 0_0

Tuesday

tamad

hindi ko na nasundan ang last post ko... wala akong mai-share na masustansya sa inyo dahil sa sobrang busy ko. naging teacher ako sa loob ng tatlong buwan pero walang nangyari. ay hindi! meron pala! tatlong buwan din akong paos. dumami ang wrinkles ko at nadagdagan ang mga kakilala kong sobrang maasim. mga nanay ng estudyante ko, co-teachers at kung sino-sino pa! sa kaasiman, walang tatalo sa mga nanay ng mga batang tinuturuan ko. daig nila ang mga buena familia kung mang-spoiled ng anak nila. tipong mayaman talaga. nakaka-bad trip! at isa pa... maliit ang sweldo ko dun. okay lang sana kung maliit. wala naman akong pakialam masyado sa pera. mabuti nga yun. para wala akong utang na loob sa may-ari ng eskwelahan na wala din utang na loob. sobrang makunat. sobrang maarte. sobrang madaming hinahanap sayo kahit alam naman nya na hindi makakabuhay ng patay ang sweldo namin. sana, mahuli ka ng DepEd na wala kang permit!

sa loob ng mga panahon na yun, madami akong napabayaan. ang mga anak ko, ang buhay ko, ang blog na ito. kaya nung December 15, nag-walk out na ako! hindi na ako makakatagal. sabihin na nilang bastos ako! wala akong pakialam. mas kailangan ako ng mga anak ko. hindi ko na kayang humarap pa sa mga taong walang modo at matindi ang kaasiman!!! lumalaki na ang kasalanan ko at magiging kwarto ko sa impyerno dahil sa inyo!!! SANA TAMAAN KAYO NG KIDLAT!!!

pero sa isang banda, nakaganda din ang experience ko na yun. HAAAH? ANO KAMO? PARANG WALA AKONG MAALALANG MAGANDA! ewan ko... basta pakiramdam ko nag-grow din ako as a person dahil sa trabahong yun. ANO ULIT? pasensya na... pinipilit kong maging nice pero ang daliri ko ata ay may sariling utak. kumokontra sya sa mga nais kong sabihin na maganda.

siguro, yung iba sa inyo ay maiintindihan din ako.. siguro dumating din sa buhay nyo yung ganito. nasayangan din kayo ng oras kagaya ko. sa susunod, hindi na ako uulit sa mga ganitong klaseng tao. para hindi na ako mapapasubo. hindi ba?

sa lahat, Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon! ^_^

Friday

sobrang late

alam ko! wala akong post sa loob ng matagal na panahon! sorry... masyado na akong natali sa trabaho ko... at sa dami ng dapat kong gampanan. may mga post ako sa kabila... eh ano? madami kasi akong followers dun... o wag na magselos...

basta! hindi ko kasi maisip kung anong isusulat ko eh... eto na lang... picture ng price list na kakaiba! sana magustuhan nyo... babalik ako ulit kapag may bago na akong update. salamat!

Monday

walang post

wala akong post. isang buwan na ata... may trabaho na ko! hahaha! may pambili na ako ng cuticle remover tsaka kyutiks! bongga! hehehe....

hindi nga... sobrang busy ko lang talaga... pasensya na ha.. promise! sa weekend magkikita tayo para sa bago kong post.

miss ko na ang blog ko! at kayong lahat!

muah!

Friday

another late post



pasensya na... sa dami ng ginagawa ko, nakalimutan ko ito ilagay dito. dun ko pala naipost sa kabilang blog ko ang tungkol dito.

saturday, aug. 29.

kumanta ulit ang Franciscan Quartet sa SM Molino. dapat front act sila sa album launch ni Janno Gibbs. kaso kagaya nung una, hindi na naman dumating si Janno. susmaryosep! sa totoo lang, madami talaga ang nagalit. may mga bumili ng album nya tapos hindi naman sya dumating. at kahit wala si Janno, kailangan kumanta pa din ang mga bata. kumanta naman sila. pagkatapos ng pangalawang kanta, umakyat si Papa Dudut na DJ ng 97.1 Barangay LS. sya ang naghatid ng masamang balita sa mga naghihintay na fans na hindi makakarating si Janno. at saka ipinagpatuloy ng mga bata ang pagkanta. nakakaawa ang mga bata. kasi nilayasan sila nung ibang audience. may mga nag-stay para manood. salamat sa kanila. nakakaawa si Papa Dudut. kasi sya ang napahiya sa lahat ng tao. sya ang sumalo ng kahihiyan.

tsk, tsk, tsk! ay nakooo... kayo? napapa-ay nako din ba kayo? okay lang... charge to experience din ng mga bata. Janno Gibbs, sana next time dumating ka naman. ngayon lang kita ulit makikita pagkatapos ng mahabang panahon. huli kitang nakita sa concert nyo sa school namin noon, 11yrs old ako nun. (pero hindi ako big fan ni janno ha...)


(ayan si papa dudut at ang FQ)

Thursday

September 1

isang araw na espesyal... bakit? ano bang meron kapag sept 1? tsaka bakit ngayon ko lang nai-post ito? dapat nung mismong sept. 1! syonga! ay ganun? pasensya na... sa sobrang dami ng hugasin ko, inabot ako ng tatlong araw sa lababo. ni hindi ko namalayan na ganun na pala ako katagal dun. weh!

sept. 1, birthday ng best friend ko. ilang taon ko na ba syang best friend? 15 years na. 15 pa lang ako nung naging close kami. 30 na ako ngayon. kalahati ng buhay ko na syang kasama, karamay at kaaaway minsan. maasim kasi tong babaeng to eh! sobrang asim! siguro signs of aging. kapag hindi sya nabati o na-text back, galit na agad. o di ba maasim? kainis! pero, hindi ko na sya maitapon. kasi best friends nga kami.

madami kaming pinagdaanan nitong si G. noon, kapag walang pera, yelo lang ang meryenda nya. oo! yelo talaga! kapag meron syang 20 pesos, may pang-yosi na sya nun. tsaka yelo. kaya ayun... 15 years na rin ang ubo nya. amazing.

nagka-anak si G. kaso iniwan sya ng lalaking yun! as in, tinakbuhan. pinasakay lang sya ng jeep, paglingon nya, tumatakbo na palayo ang lalaking yun. totoo! hinabol nya. kaso, nagta-transform ata yung lalaki eh. biglang nawala. kawawa naman si G... umuwi sya nun, tulala. nang ipanganak nya ang bata, wala pang isang buwan... nasa amin na. nung una, binibilhan lang namin ng gatas, diaper, gamot... hanggang sa kami na pala ang nagpapalaki sa bata. dalaga pa ako nun. tita ko ang umampon sa bata. malaki na sya ngayon... pero kilala nya ang mama nya.

naaalala ko... palaging umiiyak si G sa akin. kasi sya mismo, ampon lang din ng pamilyang kinabibilangan nya. palagi syang walang pera. palagi syang halos namamalimos sa mga pinsan nya para may pangkain sya. kaya kapag may pera ako, na hindi naman madalas nangyayari, hinahatian ko sya. minsan bumili kami ng Lucky Me Chicken Noodles. wala silang gas. pano namin iluluto? nagtitigan kami... bumalikwas sya. sabi nya, alam na daw nya... pumasok sya sa bahay nila. pagbalik, may dala syang DPC Yellow Pages. makapal. sinindihan nya ang isang pilas ng pahina nito. sinundan pa nya. nilagyan ng lawanit na napilas nya sa likod ng pinto. paypay. paypay pa. yellow page ulit. ipinatong ko na ang kalderong maliit sa umaapoy na yellow pages at lawanit. sya naman, walang tigil sa pagpilas at pagsalpak ng yellow pages. kahit hindi pa kumukulo, inilagay ko ang noodles. sige pa! paypay. pilas. salpak. paulit-ulit lang. hanggang sa malapit ng maubos ang yellow pages, uminit bahagya ang tubig. parang mainit pa ang jingle ko. pero himalang lumambot ng bahagya din ang noodles. "pwede na yan!" sabi nya. oo nga. kahit ano siguro kakainin namin dahil gutom na talaga kami. masaya namin pinagsaluhan ang basang hilaw na noodles. at sa tuwing maaalala namin ito ngayon, tumatawa na lang kami. salamat sa Diyos. buhay pa kami hanggang ngayon at kahit paano may nagbago sa mga buhay namin mula noon. hindi na kami kumakain ng basang hilaw na noodles. luto na talaga...


sept. 1, ito din ang hudyat namin dito sa bahay na pasko na! taon-taon, pagtuntong ng araw na ito, magpapatugtog na agad si mama ng pamaskong kanta. madalas jackson 5. at kahit hindi na dito nakatira si mama, naiwan ang tradisyon na iyon dito sa bahay. "Early Christmas Morning" by Cindy Lauper. yan ang pinakinggan ko ngayon. wala na kasi yung cd ng jackson 5. ok pa rin. ang importante, hindi ko nakalimutan.


MusicPlaylist
Music Playlist at MixPod.com



sept 1... habang buhay ko na itong ise-celebrate...

walk with me...