Thursday

talentadong pinoy, franciscan quartet at amag ng blog ko...

ang tagal kong walang post. kasi naman, super busy talaga ako sa mga tyanak ko dahil nagpasukan. super aliw din sa paglalaro ng online games kaya wala akong time mag-post.

isa pa sa dahilan ng pagiging busy ko ay ang anak kong si adj1. palagi silang may kanta sa mga SM Malls at school. nung june 8, pumunta kami sa novaliches. sa ABC 5 mismo! para yun sa taping nila sa talentadong pinoy. oh-hah?! yabang ng nanay! hehehe... at syempre pa, may kwento na naman ako sa trip na yun.

5 am nung magkita kami ng ibang nanay para sabay-sabay na kami papuntang nova. sa sobrang takot sa traffic jam, ayun! hindi pa ata gising ang mga demonyo nasa kalye na kami... 6:30 am kami dumating dun. 8 am ang call time. oh di ba? ayaw namin dumating ng maaga... pero buti na rin kasi madaling nakagamayan ng mga bata ang lugar. at least hindi na sila masyadong kakabahan. (yun lang ang akala ko..) wala akong tulog kahit konti nun. alam ng mga kasama ko yun. magdamag akong nag-handa para sa lakad namin na yun. yun din kasi ang first day of school ni adj2 at may pasok din si bunso. sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ko pagkakasyahin ang oras ko sa lahat ng gagawin ko. susme! kapag naalala ko yun, parang gusto kong hingalin ulit at magpadala sa ospital. stress ang kagandahan ko. makikita pa naman ako sa camera... syet!




sa madaling salita, lumipas ang maghapon namin ng mga nanay na kasama ko sa paghihintay sa labas o kaya sa canteen ng ABC 5. pilit nilalabanan ang antok at pagod pati paggastos. palipat-lipat kami ng pwesto ng mga nanay na kasama ko. apat na bata kasi ang bumubuo ng Franciscan Quartet. obvious ba? kaya nga quartet! ang redundant ko naman... bale, apat na nanay kami na magkakasama... natural! aba naman! kagilagilalas kung may isang bata dun na dalawa ang nanay, di ba? pero syempre kasama namin si teacher C... ang napaka-tiyagang si teacher C. sya ang voice coach ng mga bata. sya ang "lahat" ng mga bata. sya ang napapagod, sya ang nagtuturo, sya nag nagsasaway, sya ang kinokontak ng mga taong interesado sa mga bata.... lahat na ata ginampanan nya sa mga bata.

may kasama pa kaming isang teacher. si teacher M. sya naman ang matyagang makipag-baragan sa mga tao nung nag-audition ang mga bata sa talentadong pinoy sa MOA. para lang makapag-audition ang mga bata. may 2 pa kaming kasama, kapatid ng isa sa mga myembro at yung isa ay kamag-anak nung isang myembro. gusto sana namin magsama ng marami kaso bilang lang daw ang taong manunood. kaya pala... kaya pala nung oras na para pumasok sa studio, nagulat kami sa dami ng nakapila sa labas ng studio mmismo. yun pala ang ibig sabihin ng "bilang". yung mga audience na yun, puro may bayad daw. kasi andun yung babaeng nag-asikaso ng aming WCP o working child's permit. naririnig ko sya na nagtatawag, "o.. yung mga talent ni osang pasok na!" talent? ayun pala ang tawag sa manonood ng show na papalakpak lang at sisigaw ng "whooo!" o kaya ay mag-wawagayway ng lobo habang may nagpe-perform. talent ang tawag nila dun. at 'day! take note, kuntodo makeup at hairdo ang mga taong ito. walang habas ang pagpapa-cute nila. syempre kailangan yun. o sige... talent na kung talent... buhay nyo yan eh... pero ang nakakaasar, muntik pa kaming hindi papasukin ng guard. kami at yung ibang kasama ng performers nung araw na yun. kami pa daw ba ang hindi papasukin?! ayos ah! kundi pa kami sinundo ni teacher C sa labas ng studio, hindi na kami maaalala ng sinuman sa kanila. kainis number 1, di ba?

sa loob, nasilayan ko din sa wakas ang host ng show. si ryan agoncillo. sy jusko! ang gwapo nya! talaga naman naghanap ako ng kanin nung mga oras na yun. masasabi mo talaga na ang swerte naman ni juday... kahit alam naman ng lahat na swerte din naman sya kay juday. andun din ang mga talent scout. si rossana roces, bayani agbayani at audie gemora. ayoko na magkwento ng mahaba kasi wala naman ako pakialam sa ibang tao sa paigid ko nung mga oras na yun. ang pakialam ko lang ay ang pagkanta ng mga bata. kaba, takot, naiihi, najejerbax, nahihilo, naiiyak... ilan lang yun sa mga naramdaman ko nung mga oras na yun. madalas akong maiyak sa pagkanta ni adj1. alam ko sasabihin mong o.a. ako. bahala kayo... kayo kaya ang makapanood ng anak nyo na kumakanta sa stage at pinapalakpakan ng tao, hindi ba man lang kayo mata-touch sa eksena? plus, sobrang emotional kasi ako. kahit matigas ang dating ko sa mga anak ko, madali naman akong maiyak kapag nakikita ko sila na kinatutuwaan at kinawiwilihan ng mga tao. ina ako eh... yun lang explanation dun. kung kayo hindi ganun, hindi ko na rin problema yun.

natapos ang event na yun. nanalo sila sa semi-final pero hindi sa finals. okay lang. Php15,000 ang maiuuwi nila. masama pa ba yun? hindi. para sa akin bonus na lang kung manalo sila. masaya na ako na nakakanta sila ng maayos, walang sabit at piyok at nasisiyahan ang nanonood. sayang lang kasi ni hindi namin sila nakunan ng litrato kasama si ryan agoncillo. nagtago na kasi sya sa dressing room nya after the show. okay lang. may pics naman sila nung ibang celebrity. yun ata ang kaligayahan ng mga batang ito. kung alam lang ng mga tao yun... hindi sila mukhang pera. hindi sila nag-iinggitan. hindi din sila nagyayabangan. apat silang magkakasama. mukhang mahirap silang magkasundo kung titignan. pero hindi. nagkasama kami ng mga batang to nung nasa PAGCOR pa sila. dapat kasali sila sa FLOW concert. isang malaking concert ng PAGCOR na may gintong tiket. hindi ka makakanood kung wala ka atang libo-libo sa bulsa. ibig kong sabihin, lahat naman ng concert libo ang halaga ng tiket. pero worth bilhin dahil mga sikat ang makikita mo. samantalang eto, hindi halos kilala o di kaya naman ay mga "has beens" ang magpeperform. kung may sikat man, yun ay yung mga sikat sa larangan na yun. PERO... 100% mag-e-enjoy ka sa makikita mo. bakit? tsaka ko na lang ikukukwento. mahaba na to eh... isang tip lang, malaking production yun. bakit sila nawala sa FLOW? hindi din malinaw sa amin kung bakit... pero nakakainis yun. tsaka na lang yun... sa ibang araw na lang.

heto ang video nila sa talentadong pinoy

ito ang parteng gusto ko sa lahat... ikukukwento ko ang napansin ko.

pagkatapos ng taping, diretso kaming lahat sa back stage. pagkakataon na para makapagpa-picture sa mga artista. ako, ayoko ng ganun. pero dahil mga bata ang kasama namin, napilitan kaming maghintay ng pagkakataon na makapagpa-picture sa mga celeb na andun. pang-friendster daw nila. mabuti na lang kasama namin si teacher M. sya na naman ang gumawa ng paraan para maka-picture ang mga bata. kami naman mga nanay, matyagang nag-abang sa pinto at nakatanaw sa mga anak namin habang nagpapa-picture sila sa loob ng dressing room na yun. napansin ko na yun eh. yung guard na naka-poste dun. bwisit na sya, alam ko. siguro kinakabahan na sya dahil baka mapagalitan ng boss nya kapag masyado na maraming tao sa dressing room ng celebs. narinig ko sya na bumulong, "tsk! pasok naman ng pasok ang mga ito!"... sinabi nya yun nung pagkapasok ni teacher c sa loob... sinagot ko sya, "hindi naman kami pumapasok ah! kaya nga andito kami sa labas ng pinto o, naghihintay!" sa loob loob ko lang, "mamaya ka sa akin, isang asim mo pa!"... parang narinig naman nya ang loob ko! may maliit na harang ang pintong yun... sinipa nya ito sabay hila ng pinto. dun sa kilos nyang yun uminit ang ulo ko... sinabihan ko sya, "kung makasara ka naman ng pinto! andito lang naman kami sa labas di ba? bakit kailangan mong gawin yun habang nakasilip kami? hindi ka man lamang ba marunong mag-excuse me?! bastos ka ah!" tinanong ako ng mga nanay na kasama ko kung bakit daw ako nagagalit. sinabi ko ang ginawa nya, buong lakas ng boses kong ikinuwento sa lahat kahit alam kong naririnig nya ako! nainis ako sa pagtrato nya sa amin. nainis ako dahil para bang mababawasan ng 20% ang sweldo nya kapag sinabi nyang "excuse me po, isasara ko lang ang pinto kasi baka po magalit ang boss ko."... maiintindihan ko naman kung sasabihin nya yun at gagawin ng walang halong inis. kaso hindi eh! pakiramdam ko ba, kami yung mga kapitbahay nya na nakikinuod sa kanya ng TV! at para lang maitaboy nya kami ay pinagsarhan nya kami ng pinto! ikaw, sa tingin mo? tama ba yun?! subukan mong sumagot ng oo, humanda ka sa akin! hehehe... joke lang... sa bwisit ko sa kanya kahit palabas na kami ng building, ngaw-ngaw pa rin ako ng ngaw-ngaw.. sabi na lang ni teacher c, "momi, ang puso mo..." saka lang ako tumigil... bigla din naman ako nahiya dahil na-realize ko, ang pangit naman ng ipinakita ko sa mga bata na attitude. kaya pinilit kong kalimutan ang insidenteng yun habang pauwi kami. oo nga naman. bakit ko iinisin ang sarili ko? dapat masaya ako dahil sa nangyari sa mga bata... dapat mag-celebrate. pero hanggang ngayon naiinis ako sa mamang guard na yun! kita mo at nasali ka pa sa blog ko? sana... makatagpo ka ng katapat mo!

at para naman sa mga bata, congrats! ang galing galing ninyo! kay teacher c, maraming salamat sa maraming bagay! hindi ko na kailangan sabihin lahat, dahil napakarami na... ^_^ sa mga ka-nanay ko, thanks din dahil nalilibre kami ng sakay! ahahaha! maraming bagay na dapat kong pasalamatan, sa sobrang dami baka hindi na magkasya dito... basta... bahala na si Lord sa inyo! ^_^

at sayo din, mamang guard!!!

PBA0931on1no

0 Freakouts:

walk with me...